Nawa’y mabigyan ka ng kaluwagan at kaunawaan ng karunungang nagmumula sa Diyos
Sa oras na ito, habang naiulat na ang nanalo sa eleksyon ng pagkapangulo sa Pilipinas ngayong taong 2022, maraming kababayan ang nagdidiwang at nagkakasiyahan. Ang iba’y nadismaya, hindi makapaniwala, nababahala, natatakot, at nagagalit.
Kahit sino pa man ang iyong binoto at kahit na nanalo pa ang iyong kandidato, dapat tayong maglaan ng oras upang pag-isipan ang mga aral na ating natutunan bago tayo magmove-on sa susunod na kabanata ng ating nasyon.
Ngayo’y naririto ako hindi upang magbigay-liwanag sa isang propesiya patungkol sa kinabukasan ng bansa sa ilalim ng bagong presidensya, ni magbigay ng personal na opinyon patungkol sa kanya. Hindi rin ako naririto upang pumanig sa isang partido sa kalagitnaan ng kasalukuyang dibisyon. Subalit, naririto ako upang magturo sa inyo ng mga aral na aking naobserbahan sa nangyaring eleksyon, na pinaniniwalaan kong makapagbibigay-liwanag sa puso ng marami at magbibigay ng kaluwagan at kaunawaan sa pamamagitan ng maka-Bibliyang perspektibo.
BAKIT HINAYAAN NG DIYOS NA MAGING GANOON ANG RESULTA?
“Totoo bang sa Diyos galing ang taong ito? Bakit Niya hinayaang maging ganito ang resulta?”
Maraming nagtataka kung bakit ang nanalo sa eleksyon ay ang taong ito at hindi ang taong pinaniniwalaan nilang pinili ng Diyos. Ang ibang hindi sumasang-ayon sa kinalabasan ng eleksyon ngayon ay nadidismaya, natatakot, at nalilito. “Bakit hinayaan ito ng Diyos?” ang kanilang katanungan.
Upang sagutin ito, kailangan nating alalahaning ang resulta ng eleksyon ay hindi nanggaling sa Siyang nasa Langit na puwersahang ipinatutupad ang Kanyang kalooban sa mga tao. Sa halip, ito ay resulta ng kalooban ng mga mamamayan sa bansa! Sa pagshade ng bilog sa balota, ang mamamayan ay nagsalita na, “Siya ang gusto naming mamamahala sa amin!”
Ang katotohanan ay, ibinubunyag ng resulta ng eleksyon ang puso ng mga Pilipino! Ang kagustuhan ng kanilang mga puso!
Sa buong Bibliya, makikita nating palaging ninanais ng Diyos na isagawa sa isang bansa kung ano ang ninanais ng kanilang puso. Halimbawa, tignan mo noong panahong naghanap ng Hari ang mga Israelita, kalooban man ng Diyos o hindi na bigyan sila ng Hari, nakinig ang Diyos sa kanilang mga puso at ibinigay sa kanila ang kanilang kagustuhan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila kay Saul (1 Samuel 8 ) .
PAGSISIYASAT NG MOTIBO NG PUSO
Batay sa aking sinabi, mauunawaan nating upang makapunta ang bansa sa tamang desisyon tuwing eleksyon, ang ninanais ng kanilang puso’y kinakailangan munang maihanay sa kalooban ng Diyos. Nangangahulugang, ang ninanais ng kanilang mga puso’y dapat na matuwid sa mata ng Diyos.
“Ngunit paano namin malalaman kung ito nga ba’y katuwiran?” ang iyong maaaring maging katanungan.
Magtiwala ka nang buong puso sa PANGINOON at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan.
Kawikaan 3:5-6 ASND
Alalahanin mo ang PANGINOON sa lahat ng iyong ginagawa at ituturo niya sa iyo ang tamang landas.
Kung ang desisyon ay nakabase sa tiwala sa Diyos at pagmamahal sa Kanyang mga batas at katuwiran, alam nating tama na ito sa mata ng Diyos.
ANG ISANG HINDI MAKA-DIYOS NA HANGARIN AY PATUNGO SA HINDI MAKA-DIYOS NA DESISYON
May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma, ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios.
Salmo 20:7-8 ASND
Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak, ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.
Suriin natin ang istorya ng unang “eleksyon” ng mga Israelita na matatagpuan sa 1 Samuel 8. Sa mga panahong iyon, nagdemand ang mga Israelita ng isang haring itatalaga. Ngunit sa isang hindi maka-Diyos na hangarin!
Umaasa ang mga Israelita na ang isang tao, isang hari, ang magliligtas at magbibigay ng kanilang mga pangangailangan. Tinanggihan nila ang kaligtasang nagmumula sa Diyos, ang pinakamataas na Tagapagligtas, at sa halip ay naghangad ng kapangyarihang magligtas sa mga kamay ng isang tao, sa isang hari.
“Pero hindi nakinig kay Samuel ang mga tao. Sinabi nila, “Hindi maaari! Gusto namin na may haring mamamahala sa amin. At magiging tulad kami ng ibang mga bansa, na may haring namamahala at nangunguna sa amin sa digmaan.””
1 Samuel 8:19-20
Sa konteksto ngayon, sino pa man ang iyong kandidato, maraming puso ang nagdedemand, “Bigyan mo kami ng hari (presidente) na magliligtas sa amin sa kahirapan, magpapala sa amin sa pinansyal upang makalaya kami sa kahirapan, at baguhin ang aming mga buhay at bansa!”
Tayo’y huminto at magkaroon ng repleksyon…
ANG MAKA-DIYOS NA GAMPANIN NG GOBYERNO
“Kung uupo na siya sa trono bilang hari, kailangan niyang kopyahin ang mga kautusang ito para sa kanyang sarili sa harapan ng mga pari na mga Levita. Dapat niya itong ingatan at laging basahin sa buong buhay niya para matuto siyang gumalang sa Panginoon na kanyang Dios, at masunod niya nang mabuti ang lahat ng sinasabi ng mga kautusan at mga tuntunin. Sa pamamagitan din ng laging pagbabasa nito, makakaiwas siya sa pagyayabang sa kapwa niya Israelita, at makakaiwas siya sa pagsuway sa mga utos ng Panginoon. Kung susundin niyang lahat ito, maghahari siya at ang kanyang angkan nang matagal sa Israel.”
Deuteronomio 17:18-20
Ang maka-Diyos na gobyerno ay isang daan ng Diyos upang makapamuno ng matuwid sa isang bansa. HINDI ito naglalayong pumalit sa pamumuno ng Diyos o palitan mismo ang Diyos.
Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang PANGINOON…
Salmo 33:12
“‘Ang paghihiwalay ng Simbahan at pamahalaan ay isinagawa upang makapagbigay ng kalayaan ANG relihiyon, HINDI kalayaan SA relihiyon. Nilalayon nitong protektahan ang Simbahan sa Pamahalaan, hindi ang kabaliktaran.”
-Hindi Kilala
Pinagpala ang bansa kung saan kinikilala ng mga mamamayan ang pagka-Panginoon ng Diyos sa pamamagitan ng paghahanap ng Kanyang katuwiran at paglalakad sa Kanyang mga katuruan.
Ang maka-Diyos na gobyerno ay ang gobyernong pinoprotektahan ang karapatan ng mga tao upang malayang makasunod sa mga batas ng Diyos. Upang sa pamamagitan ng pagsunod, pauunlarin ng Diyos ang bansa.
ANG TOTOONG KAUNLARAN
Ang Libro ng Kawikaan ay mga palatuntunan ng Diyos kung paano magkaroon ng buhay na maunlad, na ibinigay sa bawat mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng mga kamay ni Haring Solomon. Mayroon itong kasulatan kung paano mapagtatagumpayan ang kahirapan, paano makapamumuhay ng payapa kasama ang iyong nga kapitbahay/kapwa, paano magkaroon ng magandang buhay bilang mag-asawa at pagpapalaki sa mga anak, paano maging isang mabuting tagapamahala, at marami pang iba!
Kung nais mong magkaroon ng buhay na maunlad, huwag ka nang tumingin pa ng kasagutan sa iba sapagkat matatagpuan mo ito sa Libro ng Kawikaan!
Ano ang sinasabi ng Libro ng Kawikaan?
Ang taong tamad hindi makukuha ang hinahangad, ngunit ang taong masipag ay magkakaroon ng higit pa sa kanyang hinahangad.
Kawikaan 13:4
Sa buong Libro ng Kawikaan, nakahighlight ang kahalagahan ng kasipagan bilang isang importanteng daan patungo sa kaunlaran. Ang katotohanan, ang salitang “tamad” ay nabanggit ng 14 na beses sa Kawikaan, at palaging kalakip ng kahirapan!
Sa Bagong Tipan, maging si Pablo’y binibigyang importansya rin ang pagiging masipag.
“Sapagkat alam naman ninyo na dapat nʼyo kaming tularan dahil hindi kami naging tamad noong nariyan pa kami. Hindi kami tumanggap ng pagkain mula sa inyo nang hindi namin binayaran. Sa halip, nagtrabaho kami araw at gabi para hindi kami maging pabigat kaninuman sa inyo. Ginawa namin ito, hindi dahil wala kaming karapatang tumanggap ng tulong galing sa inyo, kundi para bigyan kayo ng halimbawa para sundin ninyo. Nang kasama nʼyo pa kami, sinabi namin sa inyo na huwag pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.”
2 Tesalonica 3:7-10
ANG PROBLEMA
Habang maraming bumoboto, ang kanilang mga puso'y nagsasabing, “Nawa'y ang lalaki/babaeng ito ang magliligtas sa atin sa kahirapan at bigyan tayo ng libreng makakain. Sa gayo'y magiging malaya na tayo sa paghihirap at sa matinding pagtatrabaho!”
Hindi nila hinanap ang Panginoon ni naniwala sa Kanyang mga kautusan kung paano umunlad, sa halip ay naghanap ng shortcut o madaliang solusyon ng pag-unlad sa pamamagitan lamang ng isang laman at dugo (tao)!
Sa napakaraming dekada, ang ganitong kagustuhan ng mga mamamayan ang nagtulak sa kanilang magpa-upo ng mga mamamahalang hindi maka-Diyos na hindi lamang namahala ng walang kabanalan bagkus iniwan pa ang mga bansang ito na walang permanenteng solusyon sa kahirapan.
Gaano man karami ang perang hawak-hawak ng gobyerno, balang araw ay mauubos din ito. Walang taong kayang magpayaman sa isang tao ng panghabang-buhay o magpakain sa iba sa buong buhay niya…liban sa Diyos na nagbibigay-buhay sa kanya hanggang sa kanyang huling hininga!
Hindi nakasalalay ang solusyon ng isang bansa sa isang lalaki o babae na manunungkulan ng ilang taon kundi sa mga matutuwid, pusong may takot sa Diyos na mga mamamayan! Ang katuwiran lamang ang may kakayanang mag-iba ng landas ng isang bansa!
ISANG PANAWAGAN SA PAGSISISI SA KASALANAN NG PAGTITIWALA SA MGA KARWAHENG PANDIGMA AT KABAYO
May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma, ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios.
Salmo 20:7
Sinabi pa ng Panginoon, “Isusumpa ko ang taong lumalayo sa akin at nagtitiwala lamang sa tao. Matutulad siya sa isang maliit na punongkahoy sa ilang na walang magandang kinabukasan. Maninirahan siya sa tigang at maalat na lupain na walang ibang nakatira. Pero mapalad ang taong nagtitiwala at lubos na umaasa lamang sa akin. Matutulad siya sa punongkahoy na itinanim sa tabi ng ilog na ang mga ugat ay umaabot sa tubig. Ang punongkahoy na itoʼy hindi manganganib, dumating man ang tag-init o mahabang tag-araw. Palaging sariwa ang mga dahon nito at walang tigil ang pamumunga.
Jeremias 17:5-8
Isang kamangmangan nga kung ang kagustuhang magpayaman ng madalian at magkaroon ng magaang buhay ng mabilisan ang naging basehan ng ating pagboto ng magiging tagapamahala! Maraming puso ang inabanduna ang kanilang pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang mga matutuwid na kautusan!
Bilang isang bansa, kailangan nating talunin ang espiritu ng katamaran at ang pagmamahal sa mabilisang benepisyo. Kailangan nating humingi ng kapatawaran at ang mga puso’y hayaang yakapin ang layunin ng Diyos!
Tanungin natin ang ating sarili:
Nasaan ang pagtitiwala natin sa Diyos at ang respeto natin sa Kanyang mga utos habang tayo’y bumoboto?
Pinahalagahan ko ba ang mga palatuntunang mula sa Bibliya o mayroon lamang akong walang halaga at hindi nagmumula sa Bibliyang pag-asa?
Kanino, sa Diyos o sa tao, natin inilagay ang ating pag-asa?
Katuwiran ba ang motibong nasa ating puso?
Ang Kaligtasan ay sa pamamagitan ni Kristo at hindi ng tao. Walang nasyon ang uunlad kung ang puso’y wala sa tama sa harap ng Panginoon. Kaya nga, huwag tayong magtiwala sa laman at itakwil ang Kanyang kautusan sapagkat kapag sinunod mo ang Kanyang mga utos, kapalit nito’y pauunlarin Niya ang bansa.
(Hindi ito upang kundenahin ang nanalong kandidato ni para kundenahin ang sa kanya’y bumoto. Lahat tayo’y may kanya-kanyang rason sa ating pagboto sa isang tao. Subalit, pag-isipan natin ito sapagkat maaaring ang aksyon ay mali sa kadahilanang mali ang motibo!)
ANG PAGSULONG BILANG ISANG BANSA
Sa aking mga kapatid sa pananampalataya na nadismaya dahil ang gusto nating mga kandidato ang hindi nanalo at natatakot sa kinabukasan:
“…ngunit hindi ko pa nakita kahit kailan na ang matuwid ay pinabayaan ng Panginoon
Salmo 37:25
o ang kanya mang mga anak ay namalimos ng pagkain…”
Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan.
Salmo 46:1-3
Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man,
at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
Humampas man at umugong ang mga alon na naglalakihan,
at mayanig ang kabundukan.
Sino pa man ang magiging Presidente, ang mga pangako ng Diyos sa buhay ng Kanyang mga matutuwid na mga anak ay hindi mapawawalang-bisa!
Totoo pa rin ang Bibliya anuman ang sitwasyon o kalagayan. Kaya’t manatili tayo sa Kanyang presensya sapagkat Siya’y isang Goshen sa gitna ng kadiliman para sa Kanyang mga pinili na nananatili sa Kanyang kautusan.
Hanapin din natin ang kapakanan at ang habag ng Diyos para sa bansa bilang isang mananampalataya. Huwag panghinaan ng loob sa halip ay mas lumapit pa tayo sa Panginoon ng higit pa kaysa noon sapagkat Siya lamang ang nag-iisang Tagapagligtas ng bansa!
MAGING PAYAPA KA!
“Huwag kayong mabagabag, at huwag kayong matakot, dahil iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo.”
Juan 14:27
“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin. Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo, pero magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na ako laban sa kapangyarihan ng mundo.”
Juan 16:33
Isinulat ng Blazing Holy Fire Philippines Ministries, 11 May, 2022